Ipinag-utos ngayon ng Manila RTC Branch 42 ang pag-aresto kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam.
Kaugnay ito sa kasong frustrated murder at murder hinggil sa nangyaring pagpatay kay Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III at sa bigong pagpatay sa kasama ng Bise Alkalde na si Alberto Alforte IV noong 2019.
Sa ipinalabas na kautusan ni Judge Dinnah Aguilar Topacio, kabilang din sa pinapaaresto sina Marco Martin Cam; Nelson Cambaya; Junel Gomez; Bradford Solis; Juanito de Luna; at Rigor dela Cruz.
Nabatid na batay sa mga nakalap na dokumento, salaysalay at mga ebidensiya ay may sapat na basehan o probable cause upang panagutin sa kasong frustrated murder at murder si Cam at ang mga kapwa akusado.
Sa kasong frustrated murder, inatasan ng hukom na magbayad ng ₱200,000 ang bawat akusado.
Ngunit sa kasong murder ay hindi bibigyan ng pagkakataon si Cam at mga akusado na makapaghain ng piyansa para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Matatandaan na inihain ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang kaso alinsunod sa resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na nagtuturo sa kampo ni Cam bilang responsable sa krimen.