Sandro Muhlach, inilahad sa Senado ang nangyaring pang-aabuso sa kaniya; singer-actor na si Gerald Santos, inamin na ni-rape siya ng isang musical director

COURTESY: Senate of the Philippines

Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media si Sandro Muhlach, ang aktor na naghain ng reklamo sa dalawang independent contractors ng GMA na nag-abuso sa kanya.

Sa pagdinig, sinabi ni Sandro na pumunta siya sa hotel room ng TV Director na si Jojo Nones at TV Writer na si Richard Cruz madaling araw ng July 21 o pagkatapos ng GMA Gala matapos siyang imbitahan ng mga ito dahil nandoon umano ang mga kasamahan sa drama team ng network.

Pagdating sa hotel ay inabutan niya si Nones at si Cruz na lasing na lasing at nakahiga sa kama.


Sa pagtatanong ni Senator Jinggoy Estrada, sinabi ni Sandro na inabutan siya ng ₱500 peso bill ni Nones, inutusan siyang singhutin ang substance na hinihinalang iligal na droga at nilasing sa wine at ang mga sumunod ay hinila na siya sa kama kung saan tinanggal ni Cruz ang suot niyang polo.

Wala na aniya siyang maramdaman noon matapos na mamanhid dahil sa droga.

Todo tanggi naman si Nones sa nasabing pahayag ni Sandro at kalaunan nga’y pina-contempt ito ni Estrada dahil sa pagsisinungaling.

Samantala, humarap din sa pagdinig ang singer-actor na si Gerald Santos kung saan inihayag nito na ni-rape siya ng isang musical director ng GMA noong 2005.

Mangiyak-ngiyak na sinabi ni Santos na 15 taong gulang pa lamang siya nang mangyari ang panghahalay sa kaniya.

Itinago niya ito ng 19 na taon dahil sa takot at batid niyang hindi rin ganoon kabukas ang mga tao sa mga lalaking nare-rape.

Bukod dito, tila ipinagsawalang-bahala pa ng ilang mga katrabaho ang nangyari sa kaniya at sinabihan pa siyang mag-move on na lamang.

Bagama’t inalis sa network ang musical director pero kasabay din nito ang pag-alis din sa kaniya sa trabaho dahilan kaya nahirapan siyang maibangon muli ang kaniyang karera.

Facebook Comments