Nagbabala ang isang nanay sa Florida, USA matapos ang muntikang pagkaputol ng mga daliri ng noon ay 4-buwan-gulang na anak nang dahil sa hibla ng buhok.
Ibinahagi ni Jill Mraidi ng litrato ang namamagang daliri sa paa ng anak na si Qasim, ngayon ay 3-taon-gulang na, matapos makitaan ng buhok na mahigpit ang pagkakabuhol dito.
Sa Good Morning America nitong Huwebes, sinabi ng 46-anyos ina na agad siyang tumawag sa pediatrician dahil unang beses lang may nangyarin ganoon sa apat niyang mga anak.
“I was like, ‘What the heck is going on? What is this?’ I had him scheduled for a checkup that day. Once I got him there, the doctor looked at it. It was called hair tourniquet syndrome,” ani Mraidi.
Madalang, ngunit mapanganib ang hair tourniquet syndrome na nangyayari tuwing may pumupulupot na hibla ng buhok sa mga daliri at minsan ay maselang bahagi ng katawan, kadalasan sa mga bagong silang.
Kapag hindi naagapan o naalis agad ang buhok, pinipigil nito ang pagdaloy ng dugo na sanhi ng posibleng pagputol ng apektadong bahagi.
Hinala ni Mraidi, nagkaroon ng hibla sa medyas ng anak dahil naglalagas ang kanyang buhok noong bagong panganak pa lang.
Bilang paalala sa mga kapwa nanay, ibinahagi niya ang nangyari sa Instagram page na “Pregnancy Guide” noong Linggo.
May mga nanay naman sa comment section na nagsabing nakaranas rin ng hair tourniquet syndrome ang kanilang mga supling.
“I’m glad if it can bring awareness. This is my fourth baby and I had no idea about it. It would not have entered my mind as a first-time mom,” ani Mraidi.