Sanggol na iniwan sa dumpsite, nailigtas ng mag-asawang Indian sa tulong ng Twitter

Courtesy: Twitter/Sakshi Joshi

Isang mag-asawang journalist sa India ang nagdesisyong mag-ampon ng inabandonang sanggol sa dumpsite matapos itong mabalitaan sa social media platform na Twitter.

Habang tumitingin sa Twitter si Vinod Kapri, filmmaker sa New Delhi, napukaw ang atensyon niya ng video ng isang bagong silang na sanggol, hubad at umiiyak sa tapunan ng basura.

Sa pahayag, sinabi ni Kapri na maluha-luha niyang ipinakita sa kanyang asawang si Sakshi Joshi ang video na aniya hindi niya kinayang panoorin nang buo.


Hindi raw nagdalawang-isip ang mag-asawa at agad nagkasundong ampunin ang bata.

Kaya dumulog si Joshi sa kanyang followers sa Twitter at nagpatulong na ma-locate ang bata sa video, at sinabing gusto nilang ampunin ito.

Ilang oras lang makalipas nang mag-viral ang tweet ng mag-asawa na nakatulong para mapag-alaman ang kinaroroonan ng bata.

Agad nakiusap si Kapri sa isa niyang kaibigan na si Rahul Choudhry na kumpirmahin ang kinaroroonan ng bata.

Napag-alamang seryoso ang lagay at naka-admit na ang bata sa isang ospital.

Agad ding nakipag-usap si Kapri sa doktor ukol sa pakay nitong ampunin ang baby at aniya hindi pa man sila legal na magulang, pakiramdam nila na konektado sila sa bata.

Habang nagpapagaling ang bata, pinag-aaralan naman ng mag-asawa ang proseso ng pag-aampon.

Nitong Father’s Day naman, nag-tweet si Joshi ng larawan nilang mag-asawa kasama ang baby na pansamantala nilang pinangalanang “Pahu”, sunod sa rekomendasyon ng ilang followers nila sa Twitter.

“Pahu” ay pamagat ng isang pelikula sa direksyon ni Kapri.

Facebook Comments