Kinumpirma ni Immigration Port Operation Division Chief Grifton Medina na isang Filipino looking baby ang sanggol na nakita ng mga immigration officer na isinilid sa bag ng isang Amerikana sa NAIA terminal 3 kaninang umaga.
Sa ambush interview kay Medina sa Camp Crame, sinabi pa nitong galing Davao ang bata na nakasukbit sa isang tila belt bag ng Amerikana.
Nang sitahin ng mga immigration officer ang amerikanang kinilalang si Jennifer Talbot ay dito natukoy na walang papel o dokumento ang bata para ibyahe.
Sa inisyal aniya nilang imbestigasyon, dumating sa Pilipinas ang amerikana August 28 habang August 29 ipinanganak ang sanggol senyales na inabangan lang na ipanganak ang sanggol para maipuslit.
Sa ngayon, nasa ligtas nang kondisyon ang sanggol at nananatili sa National Bureau of Investigation.
Nahaharap na rin ang Amerikana sa kasong qualified child trafficking na ngayon ay nasa kustodiya ng NBI.