Sanggol na may timbang na 13-ounce, itinuring na ‘milagro’

Jaden Wesley Morrow via GoFundMe

Binansagan ng mga doktor sa Iowa na “miracle baby” ang sanggol na isinilang nang mas maaga ng apat na buwan at tumimbang lang ng 13 ounces.

Isinugod sa ospital si Ellon Smartt matapos pumutok ang panubigan noong Hulyo 11 na ika-23 linggo pa lamang ng kaniyang pinagbubuntis.

Ayon sa mga propesyonal sa Iowa Methodist Medical Centre, ang mga sanggol na isinilang nang ganito kaaga ay hindi pa “fully formed”; hindi magagamit nang lubusan ang mga biyas at mahihirapan sa paghinga.


Ngunit taliwas ang ipinakita ni baby Jaden, na kumakawag ang mga braso at todo ang iyak nang isilang via emergency C-section.

Kasing laki lang ng kamay ng kanyang tatay ang kabuuan ni baby Jaden.

Agad din itong uminom ng breast milk, na lalong ikinabilib ng mga doktor.

Dahil hindi pa maaaring iuwi, araw-araw binibisita ng mag-asawa ang sanggol, na ayon sa kanila ay gumagalaw-galaw na ang mga braso at binti at humihinga nang maayos.

Sa Facebook, ibinahagi ni Ellonn na 14 beses sinalinan ng dugo si baby Jaden sa unang linggo nito at inamin niya rin na may mga araw na sadyang mahirap para sa kanila.

Nagkaroon din ang sanggol ng kaunting impeksyon, ngunit ayon sa mga doktor, patuloy an bumubuti ang lagay ni Jaden.

Facebook Comments