Pumanaw habang sumasailalim sa gamutan ang isang sanggol na nasagip matapos umanong ilibing ng sariling ina sa isang maisan sa Brgy. Maigpa, Bayambang, Pangasinan.
Kinilala ang naarestong ina bilang isang guwardiya at residente ng nasabing bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, napansin ng may-ari ng maisan ang dugong nagkalat sa lugar, kaya agad nitong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad. Dahil dito, hinanap at siniyasat ng mga tauhan ang paligid.
Nakita ang isang kumpol ng damo na may nakabaong itim na plastik na tinatayang may lalim na limang pulgada. Nang buksan ito, tumambad ang isang bagong silang na sanggol na nasa kritikal na kondisyon.
Agad na isinugod sa pagamutan ang sanggol, ngunit binawian din ito ng buhay habang ginagamot.
Kalaunan, naaresto ng mga awtoridad ang ina at dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Sa pakikipag-ugnayan sa Bayambang Police Station, iniulat na hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek kaugnay ng insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










