NIKOLAEVSK-ON-AMUR, Russia – Wala ng buhay nang matagpuan ng isang ina ang anak na lalaki matapos niya itong iwang nakahantad sa kanilang balkonahe na may lamig na -20°C, ika-5 ng Enero.
Batay sa ulat, iniwan ng nanay ang bata para makalanghap umano ng sariwang hangin sa lugar nang makalimutan niya itong balikan.
Ilang oras makalipas nang maalala ng ginang ang iniwang anak ngunit hindi niya na ito naabutang buhay.
Ayon sa report, ang temperatura noong mga oras na iyon ay nasa -20°C, dahilan para magkaroon ng hypothermia ang sanggol, isang kondisyon na nakukuha sa abnormal na baba ng temperatura na lubhang delikado lalo na sa mga bata.
Inilusad na ng pulisya ang imbestigasyon sa nangyari habang naka-detain ang ina ng biktima.
Samantala, nagbigay naman ng paalala ang health ministry ng lugar para sa mga magulang ng mga batang hinahayaan at iniiwan sa labas ng bahay.
Pinayuhan ang mga ito na parating alamin kung saan at kung sino ang kasama ng kanilang mga anak upang masigurong ligtas ang kalagayan ng mga ito.
Kaugnay nito, marami na rin umanong naitalang insidente sa lugar sangkot ang mga batang napababayaan at hindi nababantayan.
Pinaalalahanan rin ng naturang kagawaran ang mga magulang na bawasan ang pag-inom ng alak para mas mamonitor ang kanilang mga anak.