BATON ROUGE, Louisiana – Nasawi ang bagong silang na sanggol matapos mapaaga ang panganganak ng inang mayroong coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa ulat ng East Baton Parish Coroner’d Office, habang hinihintay pa ang test result ng bata na ilang oras lamang ang itinagal, ang pagkasawi nito ay maaari umanong maangkop sa COVID-19.
Matapos magpositibo ang ina sa virus, nagpasya ang ospital na paagahin ang kanyang panganganak.
Nito lamang Linggo nang magsilang ang ginang ng batang babae ngunit sa kasamaang-palad, ilang oras lamang makalipas ay binawian din ng buhay.
Kaugnay nito, sa coronavirus test result ng bata malalaman kung nasawi nga ito dahil sa virus o dahil sa health issues dulot ng premature birth.
Samantala, isa lamang ang sanggol sa pitong naitalang patay sa naturang ospital noong Lunes ayon sa Baton Rouge Advocate.
Sa kabuuan ay mayroon ng 15,000 kaso ng COVID-19 sa Louisina noong Lunes at nasawi sa hindi bababa ng 512.