Sanggol, patay matapos sapukin ng sariling ama

2380

Nasawi ang isang 2-linggong gulang na sanggol mula sa Sta. Cruz Laguna, matapos itong sapukin umano ng sariling tatay dahil sa paghihinalang hindi niya ito tunay na anak.

Ayon sa kaanak ng sanggol, kasalukuyan raw nagpapa ‘dede’ ang ina nito nang lumapit ang kanyang asawa at bigla itong sinapok sa ulo.


Binitin pa raw patiwarik at tinakpan pa umano ang bibig ng bata at makalipas ang dalawang araw ay bigla raw itong kinumbulsyon.

Sa ulat na ipinahayag ni Patrolman Julius delos Reyes, Sta. Cruz police, lulong raw sa ipinagbabawal na gamot ang suspek ayon sa asawa nito.

Nang makapanayam naman ang suspek, inamin nitong lasing siya nang gawin ang nasabing krimen.

Nagdududa raw siya sa asawa dahil isang buwan raw nawala ito at buntis na nang bumalik at dito na siya naghinala kung anak niya ba ang sanggol.

Kwento naman ng tatay ng suspek, palagi raw nitong sinasaktan ang kanyang misis kahit kalalabas pa lamang ng ospital kung saan sumailalim pa ito sa caesarean operation.

Samantala, humaharap sa kasong parricide at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act ang naturang suspek at kasalukuyang nakakulong sa Sta. Cruz Municipal Police Station.

Facebook Comments

From Advertisers