SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG PANGASINAN, INAPRUBAHAN NA ANG P6-BILYONG LOAN NITO SA LANDBANK PARA SA MGA NAKALATAG NA PROYEKTO

Binigyan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) o provincial board ng Pangasinan ng awtoridad si Gov. Ramon Guico III na kumuha ng PHP6-billion loan mula sa Landbank of the Philippines sa ilalim ng terms and conditions ng Omnibus Term Loan Facility (Credit Line) para matustusan ang mga strategic programs at para sa mga proyekto ng lalawigan.
Batay sa Resolution 825 na inakda ni Board Member Vici Ventanilla at co-authored nito na Vice Governor Mark Lambino, ang loan ay gagamitin para pondohan ang mga programa o proyekto partikular na sa mga transportasyon na nagkakahalaga ng PHP 1.45 billion; mga sentro ng gobyerno na nagkakahalaga ng PHP800 milyon; turismo na nagkakahalaga ng PHP1.95 bilyon; edukasyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng Pangasinan Polytechnic College/University na nagkakahalaga ng PHP 400 milyon; at Health sector na nagkakahalaga ng PHP 1.4 billion.
Ayon sa resolusyon, tinitignan ngayon ang socio-economic growth sa pamamagitan ng infrastructure development, kung saan layunin ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan na tiyakin ang paghahatid ng mga batayang serbisyo at ang pagkakaloob ng sapat na pasilidad hindi lamang sa mga taong naninirahan sa urban areas kundi maging sa karatig bansa.

Sinabi ni Provincial Accountant Marlon Operaña ng Local Finance Committee, na ang pamahalaang panlalawigan ay may kapasidad na magsagawa ng naturang halaga ng pautang.
Ayon sa source of fund para mabayaran ang loan ay ang National Tax Allocation na dating kilala bilang Internal Revenue Allotment.
Kung susubukang balikan ang probisyon ng Local Government Code of 1991, nakasaad dito na ang isang local government unit ay pinapayagan na pumasok sa isang pasilidad ng kredito o utang hangga’t ang amortisasyon para sa naturang pasilidad ng kredito ay hindi lalampas sa 20 porsyento ng Internal Revenue Allotment.
Sinabi naman ni Lambino, sa isang hiwalay na panayam, na ang loan ay hindi pa isang full loan o buo kundi isa lamang itong standby fund na isang malaking halaga at kung sakaling ma-meet ng both parties ang legal at documentary requirements na nakapaloob sa batas upang maaprubahan umano ito ay doon lamang magkakaroon ng utang ang probinsya sa Landbank of the Philippines.
Ang nabanggit na proyekto ay maisasagawa sa susunod na tatlo hanggang limang taon.
Kung sakaling ipapatayo na ang mga proyekto ay mayroon ng mga akmang resources para masimulan ang mga ito.
Ang pag-apruba pa umano sa pondong P6-B ay naka-standby pa lamang at dadaan pa umano sa masusing review o pag-aaral ng gobyerno lokal man o national.
Samantala, kung naaprubahan na ay pinagkakatiwalaan umano ng bangko ang provincial government ng Pangasinan. |ifmnews
Facebook Comments