Nagpasa na ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan bilang pag-apela sa National IATF at Department of Transportation Central upang mabago ang requirement sa paggamit ng North Luzon Express Terminal (NLET) ng mga bus companies nang makabalik operasyon ang mga ito sa lalawigan.
Matatandaan na sa question hour ng Sangguniang Panlalawigan, sinabi ng isang representante ng isang bus company na aabot sa P100, 000-150, 000 sa isang buwan kada parking slot ang bayad sa NLET.
Ayon kay Sangguniang Panlalawigan Vice Governor Mark Lambino, hiniling umano ng bus companies at ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board Region 1 na kung sakaling magkaroon ng isang resolusyon baka sakaling payagan ang mga ito na gamitin ang kanilang sariling terminal.
Aniya, umaasa naman ito na mapagbibigyan ang kahilingan ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan nang matulungan ang mga drivers at konduktor na isa rin sa mga apektado ng pandemya dulot ng COVID-19.
Samantala, patuloy naman ang pakikipag- ugnayan ng kaniyang tanggapan sa mga LGUs upang mabigyan ng financial assistance ang mga ito.