Sangguniang Panlungsod ng Cauayan, Naglabas ng Resolusyon na Ipasa Lahat ang mga Estudyante Ngayong School Year!

Cauayan City, Isabela- Naglabas na ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Cauayan sa pangunguna ni SK Federation President Charlene Joy Quintos na bigyan na ng grado at ipasa lahat ang mga estudyante na nag-aaral sa mga State Universities and Colleges sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SK Federation Pres. Quintos, kanilang hinihiling sa bawat pamunuan ng paaralan sa Lungsod na ipasa na sa 2nd semester ngayong taon ang mga estudyante bilang konsiderasyon sa nararanasang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Karamihan kasi aniya sa mga nag-aaral sa Unibersidad ay nasa kalagitnaan pa lamang ng semester ngayong taon habang ang mga private schools ay patapos na bago pa ipatupad ang Enhanced Community Quarantine.


Hindi rin aniya lahat ng mga estudyante ay may sapat na kagamitan o internet para makasunod sa online class at makapag sumite ng anumang mga requirements sa subject.

Inihalimbawa nito ang mga estudyante na nasa malalayo o liblib na lugar sa Lungsod.

Naniniwala naman ito na kung magkaisa ang mga kabataan o mag-aaral sa nasabing resolusyon ay posible itong ikonsidera ng mga paaralan sa Lungsod.

Gayunman, nasa desisyon pa rin aniya ng mga paaralan kung tatanggapin ang kanilang inilabas na resolusyon.

Facebook Comments