Sangguniang Senior Citizens, pinabubuo ng isang kongresista

Isinusulong ng isang kongresista ang pagbuo ng “Sangguniang Senior Citizens.”

Sa inihaing House Bill 10682 ni Senior Citizens PL Rep. Rodolfo Ordanes, sa bubuuhing Sangguniang Senior Citizens ay isusulong ang kapakanan ng mga nakatatanda, mapalawak ang kanilang partisipasyon sa “nation-building,” at magpatupad ng mga patakaran, programa o proyekto para sa kanila.

Nakasaad sa panukala na nanatiling isa sa “most underrepresented demographics” sa pamahalaan ang mga seniors, lalo na sa larangan ng local governance.


Oras na maging ganap na batas, bubuo ng “Katipunan ng Senior Citizens” sa bawat barangay kung saan ang mga myembro ay naninirahan sa barangay ng hindi bababa sa 6 na buwan at nasa 60 na taong gulang pataas.

Ang eleksyon dito ay isasabay sa Barangay Elections, kada tatlong taon na pamumunuan ng isang chairperson, at mga miyembro na may “fixed term”, maliban na lamang kung maaalis sa pwesto.

Kabilang sa kapangyarihan ng Katipunan ng Senior Citizens ay maghalal ng mga opisyal ng Sangguniang Senior Citizens, na siyang pinaka-mataas na policy-making body na magpapasya ukol sa mga usaping may kinalaman sa mga nakatatanda, at magpapatupad ng mga programa para sa naturang sektor.

Facebook Comments