Pinare-regulate ni Senator Raffy Tulfo ang operasyon ng mga lending company na nasasangkot sa sangla-ATM modus.
Sa privilege speech ni Senator Raffy Tulfo, binanggit nito ang reklamo ng pananamantala na ginagawa sa mga pensyonadong lolo at lola na binibiktima ng ilang mga lending company o pautang kung saan kasabwat pa ang ilang kaanak para mahikayat ang mga pensioner na maisangla ang kanilang ATM.
Ang sangla-ATM ay isang informal lending system kung saan ginagamit na collateral ang ATM card at dahil nasa kamay ng nagpautang ang card ng umutang ay sila na ang kumukuha ng sahod kada payday hanggang sa matapos ang bayarin sa kabuuang utang.
Pinasisilip ng senador ang pangangailangan na magkaroon ng batas para ipagbawal ang ganitong klase ng gawain.
Sa ngayon aniya ay walang nagbabawal at walang regulasyon pagdating sa sangla-ATM transactions.
Pag-aaralan ni Tulfo na magpanukala ng prohibition o regulation sa paggamit ng mga ATM bilang collateral at pagtiyak ng pagpapataw ng parusa o multa sa mga lending institutions na lalabag dito.