SANHI NG SUNOG SA BODEGA NG CAUAYAN,PATULOY NA INAALAM; HALAGA NG PINSALA, AABOT SA P1-M

Cauayan City – Patuloy pa rin ang ginagawang pagsisiyasat ng hanay ng BFP Cauayan sa posibleng pinagmulan ng apoy sa nasunog na bodega sa Africano St., Brgy. District 2, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng IFM News Team kay Fire Officer 2 Raphy Madallig, Investigation and Intelligence Unit Staff ng BFP Cauayan, aabot sa 1 milyong piso ang halaga ng mga kagamitan na nilamon ng apoy.

Aniya maliban sa nasunog na bodega, bahagya ring nadamay ang kisame ng kusina ng katabi nitong bahay subalit hindi naman ganoon kalala ang naging pinsala nito.


Dagdag pa FO2 Madallig, dahil nakasara ang bodega ay bahagya silang nahirapan na pasukin at apulahin ang apoy dito kaya naman tinanggal nila ang ilang bubong sa itaas ng bodega upang mapalabas ang toxic na gas at usok mula sa mga nasusunog na kagamitan.

Sa kabutihang palad, wala namang nasaktan sa kanilang hanay maging sa iba pang ahensya at volunteers na tumulong sa pag-aapula ng apoy.

Samantala, ayon kay FO2 Madallig ay walang umanong linya ng kuryente sa bahagi ng bodega kung saan nagsimula ang sunog at hindi rin gumagana ang CCTV na nasa lugar kaya naman malalimang imbestigasyon ang kanilang isinasagawa.

Facebook Comments