Manila, Philippines – Iniharap ng NBI sa media ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na matagal nang sangkot sa kidnap for ransom activities sa Zamboanga City.
Kinilala ang ASG members na sina Hood Abdullah alyas Jiking, security guard sa isang motel sa Zamboanga at si Jimmy Bla Sapih alyas Bin Laden, na nagsabing siya umano ay mangingisda.
Ang dalawang suspek ay inaresto ng pinagsanib na pwersa ng NBI Counter Terrorism Division, NBI Special Operations Group, Naval Special Operations Group, base sa bisa ng warrant of arrest sa mga kasong kidnapping and serious illegal detention with ransom.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ang dalawang Abu Sayyaf members ay sangkot sa pagdukot noong June 11, 2002 sa mga empleyado ng golden harvest plantation sa Basilan.
Bukod pa ito sa kanilang pagkakasangkot sa kidnapping noong August 2002 sa mga miyembro ng Jehovas Witnesses.
Sinabi ni Aguirre na sangkot din sina Abdullah at Bla sa pagdukot at pag-hostage sa mga turistang Amerikano sa Dos Palmas Resort sa Palawan.
Ang dalawa ay nakakulong ngayon sa NBI headquarters.