Manila, Philippines – Kabahagi na ngayon ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nangangahulugan na makakasama na sa naturang operasyon ang contingent ng DENR na Task Force Metro Manila na binubuo ng mga tauhan mula sa Anti-Smoke Belching Unit ng Environmental Management Bureau (EMB).
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, handa ang kanyang tanggapan na umalalay sa konseho kaugnay ng crackdown nito sa mga smoke belchers lalo na sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Tiwala ang kalihim na malaki ang maitutulong ng kanilang pwersa para maisulong ang PUJ modernization program ng gobyerno dahil bukod sa karanasan ay may sapat aniyang gamit at manpower ang task force sa mga isasagawang emission testing.
Batay sa pag-aaral ng EMB, lumalabas na walumpung porsiyento ng air pollution ay nagmumula sa mga sasakyan habang ang nalalabing 20% naman ay galing sa mga ibinubugang usok ng mga pagawaan (factory) at iba pang source tulad ng open burning.