Manila, Philippines – Tiniyak ng militanteng grupo na nagsanib pwersa na Kilusang Mayo Uno (KMU) at Nagkaisa Labor Coalition na mas malaking protesta ang ikakasa ng mga manggagawa sa susunod na State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Itoy bunsod ng kabiguan ng Pangulo na maglabas ng isang Executive Order (EO) na tunay na tatapos sa kontraktwalisasyon, at sa halip ay ang bersyon ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP ang nilagdaan sa mismong araw ng paggawa kahapon ng umaga sa Cebu.
Ayon kay Wilson Fortaleza, isa sa Convenor ng Nagkaisa Labor Coalition muling mag-uusap ang liderato ng mga malalawak na Labor Movements upang plantsahin ang mga ikakasang pag kilos kaugnay ng SONA ng Pangulo, kung saan kanilang ibabandila ang katraydoran ng Adminsitrasyong Duterte kung saan makailang ulit pang nakipag diyalogo ang mga lider ng mga manggagawa sa Malacañang, hanggang sa pinagsumite pa ng kani-kanilang panukala o bersyon ng Executive Order na tuluyang tatapos sa kontrakwalisasyon at sa End of Contract o ENDO subalit sa bandang huli ay wala rin aniyang mapapala ang mga manggagawa.
Tinuran naman ni Elmer Labog ng KMU na nakukulangan ang mga manggagawa sa Executive Order ni Pangulong Duterte, lalo at nagpasaklolo pa ito sa Kongreso para maamyendahan ang Labor Code gayundin may pag-amin mismo ni Pangulong Duterte na siya mismo ay nakukulangan dito.
Paliwanag ng grupo ng mga militante na asahan na raw ng Malacañang na sa SONA ng Pangulo , hindi lamang ang mga manggagawa ang lalahok sa kilos protesta kundi maging ang iba’t-ibang sektor kasama ang mga magsasaka, mga kabataan, mga taong simbahan, transport group at mga biktima ng karahasan.