Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Regional Director PBGen. Angelito Casimiro ng Police Regional Office No. 2 na nananatiling ‘hotbed’ pa rin sa iligal na droga ang Lungsod ng Santiago sa nakalipas na maraming taon.
Ayon kay RD Casimiro, nais nitong isa sa pagtuunan ng pansin ng kabubuang ‘All-Women Mobile Force Company’ ang usapin sa pagsugpo sa iligal na droga sa siyudad.
Batay aniya sa datos, ang Santiago City ay mayroong pinakamababang bilang sa buong rehiyon dos na mga barangay na nakasailalim sa drug-clearing operation ng mga awtoridad.
Sa kabila nito, nais niyang masanay ang mobile force company sa ilalim ng Special Weapon Action Team o SWAT sa ilang aksyon gaya ng pagsasagawa ng mga drug buy-bust operation at pagsisilbi ng mga warrant maging kung kinakailangang arestuhin ang mga drug pusher, peddlers, users at isalba ang komunidad sa ganitong uri ng sitwasyon.
Giit pa ni Casimiro na kahit nasa ilalim ng General o Enhanced Community Quarantine ang rehiyon ay kailangan na pagtuunan ang usapin ng iligal na droga.
Binigyang-diin nito na hindi problema sa siyudad ang CPP-NPA, Komunistang grupo kundi pangunahing iligal na droga pa rin ang pinakamalaking problema sa lungsod.
Sa ngayon ay kinakailangan aniya na maglaan ng hakbangin sa mas mabigat na pagsasanay ang kabuuang all-women mobile force company upang tumugon sa sitwasyon ng iligal na droga.