Sa naging panayam ng 98.5 IFM Cauayan kay PDEA R02 Regional Director Joel Plaza, natukoy aniya bilang isa sa mga problema sa iligal na droga magpasahanggang ngayon ang lungsod ng Santiago dahil umano sa bilang ng mga “personalities” na nasa lungsod.
Dagdag pa ni Plaza, ang karamihan sa mga natukoy na drug personalities sa nasabing siyudad ay kabilang sa Street Level Individual (SLI) o mga drug poseur.
Aniya, karaniwan sa mga pumapasok sa nasabing iligal na gawain ay iyong mga indibidwal na walang trabaho at nagnanais na kumita ng pera sa mabilis na paraan o “easy money.”
Kaugnay nito, upang malabanan ang ganitong gawain ay patuloy umano ang ginagawang pakikipagtulungan ng nasabing ahensya katuwang ang lokal na pamahalaan ng Santiago City sa paglulunsad ng mga programa kontra iligal na droga.
Mayroon na lamang umanong natitirang 92 barangays sa region 2 mula sa iba’t ibang munisipalidad ang hindi pa naidedeklarang “drug cleared”.
Samantala, ayon pa kay RD Plaza, nasa 95% na sa buong rehiyon ang drug cleared na at inaasahan na makamit ang ika 100% nito bago matapos ang taong 2022.