*Cauayan City, Isabela*-Kinumpirma ng Department of Health Region 2 ang kauna-unahang kaso ng corona virus o covid-19 sa Santiago City, Isabela.
Ito ay batay sa National Database ng Epidemiology Bureau ng DOH.
Kinilala ang nagpositibo sa sakit na si PH3987, 46 anyos, isang health worker mula sa lungsod.
Ayon sa ulat ng DOH, may travel history ang pasyenteng si PH3897 matapos magtungo sa New Clark City, Tarlac nitong March 4 kung saan isa siya sa mga health worker na tumulong sa operasyon ng quarantine sa mga Overseas Filipino Worker sakay ng Diamond Princess Cruise Ship.
Batay pa sa datos ng ahensya, bumalik sa Santiago City ang nasabing ginang noong March 13 kung saan agad itong isinailalim sa home quarantine bago bumalik sa kanyang trabaho sa Southern Isabela Medical Center.
Nakaranas ng pamamaga ng lalamunan si PH3987 noong Marso 31, at nagpakonsulta noong Abril 6 kung saan siya ay kinuhanan ng specimen sample upang masuri para sa COVID-19.
Siya ay nagpositibo isang araw matapos makuhanan ng sample. Siya ngayon ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng SIMC.
Nagsasagawa na ngayon ng contact tracing ang mga health authorities sa posibleng nakasalamuha ni PH3987 upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.