Cauayan City, Isabela- Nangunguna sa listahan ang Santiago City sa may pinakamaraming naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer, mayroong higit 70 active cases ang Santiago City, sinundan ng Cauayan City na may 53 at City of Ilagan na may 52.
Kabilang naman aniya ang mga bayan ng Gamu, San Mariano, San Agustin, Aurora, Jones, at Santiago City ang nananatili sa kategoryang ‘local transmission’.
Sinabi pa ni Binag na may 14 na aktibong kaso sa bayan ng San Mariano kung saan kabilang ang isang doktor na naka-confine sa Echague Distict Hospital at 3 nurses mula sa Community Hospital ang patuloy na inoobserbahan sa isolation facility ng LGU.
Dahil dito, pansamantalang hindi tumatanggap ng pasyente sa OPD ang ospital subalit tuloy naman ang pagtanggap sa mga emergency cases para sa isinasagawang disinfection sa buong ospital.
Sa ikalawang palapag ng ospital, pansamantalang ginawang isolation facility ng mga frontline healthcare workers na positibo sa COVID-19.
Samantala, tuloy pa rin ang serbisyo ng ilang tanggapan ng kapitolyo ng Isabela makaraang magpositibo sa COVID-19 ang 10 empleyado ng Treasurer’s Office at 4 sa tanggapan ng Gobernador.