Cauayan City, Isabela- Inilunsad ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang Santina’s Garden na pinangunahan mismo ng Commanding General na si MGen. Laurence Mina kasama ang maybahay na si Ginang Santina Mina sa Division CAFGU Active Auxiliary Affairs Unit, Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela noong ika-11 ng Hulyo taong 2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Major Jekyll Julian Dulawan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, kanyang sinabi na layunin ng naturang proyekto na makapagbigay ng mga sariwang gulay sa mga tropa na nasa loob ng 5ID maging ang mga residente na nakatira sa labas ng Kampo.
Tamang-tama din aniya ito ngayong panahon ng tag-ulan at ng makatulong din na mabawasan ang mga pasanin na dulot ng COVID-19 pandemic.
Layon din ng naturang programa na maitaguyod sa mga kasundaluhan at sibilyan ang malusog na pamumuhay.
Ayon pa kay Maj. Dulawan, malaki ang impak nito sa komunidad dahil lalong nailalapit ng kasundaluhan ang serbisyo sa taong bayan at maganda rin tularan lalo na ngayong panahon ng krisis.
Ang paglulunsad ng Santina’s Garden ay nagpapakita ani DPAO Chief ng Bayanihan sa pagitan ng mga sundalo at sibilyan.
Una nang naglunsad ang 5th ID ng proyektong “Bawat Kawal, May Binubungkal” noong nakaraang 2020 na pareho din ang layunin.