SAP 3, fake news ayon sa DSWD

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala pang ikatlong tranche ng Social Amelioration Program (SAP 3).

Ito ang pahayag ng kagawaran sa harap ng mga lumulutang na ulat sa social media hinggil sa pagpapatupad ng ikatlong round ng SAP.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, mayroong nagpapatuloy na payout para sa Emergency Subsidy Program (ESP) na probisyon sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.


Ang ESP ay hindi pagpapatuloy ng SAP 1 at 2 dahil mayroon itong ibang target na benepisyaryo.

Ang SAP ay nakapaloob lamang sa Bayanihan to Heal as One Act o ang unang Bayanihan Law.

Sa ilalim ng SAP, binibigyan ng halagang ₱5,000 hanggang ₱8,000 depende sa lugar at target ang 18 milyong low-income families habang ang ESP ay one-time cash grant na ₱5,000 hanggang ₱8,000 sa mga mahihirap na pamilyang nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.

Mula nitong December 19, mayroong 145,025 beneficiaries ang nakatanggap ng emergency subsidy sa ilalim ng Bayanihan 2.

Ang total subsidy na naipamahagi ay aabot na sa ₱946 million.

Facebook Comments