SAP Fund, may natira pang ₱10-B dahil nabawasan ang mahihirap na pamilyang benepisyaryo nito

Sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget ay lumabas na mayroon pang natitirang ₱10 bilyon na pondo ang Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa pamamahagi ng ikalawang ayuda sa mga mahihirap na pamilya sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP.

Paliwanag ni DSWD Secretary Rolando Bautista, ito ay dahil sa ikawalang tranche ng SAP ay bumaba sa 14 na milyong pamilya ang benepisyaryo mula sa dating 18 milyong mahihirap na pamilya.

Paliwanag ni Bautista, natanggal sa listahan ang mga pamilyang nakatanggap din ng ayuda mula sa ibang ahensya katulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture (DA).


Dagdag naman ni DSWD Legal Officer Paul Tacorda, may natanggap silang memorandum mula sa Office of the President na nag-aatas na 12 hanggang 14 na milyon ang bibigyan ng ayuda sa ikalawang bugso ng SAP.

Ayon kay Tacorda, sa nabanggit na memorandum na suportado ng collegial decision ng mga ahensyang kasapi ng Inter-Agency Task Force (IATF), ay nakalista ang mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ.

Naghihintay ngayon ang DSWD ng deriktiba mula sa Department of Budget and Management (DBM) kung ano ang gagawin sa natitirang ₱10 bilyon o kung ibabalik ba ito sa National Treasury.

Sa hearing ay inihayag naman ni DSWD Director Resty Macuto na may mga mungkahing gamitin ang nabanggit na salapi para magbigay ng ₱15,000 na livelihood assistance sa mahigit 600,000 mga market vendor at sa mga sari-sari store na labis na naapektuhan ng pandemya.

Facebook Comments