SAP, hiniling na gawing ₱5,000; mga “newly poor” na hindi kasama sa ayuda, ipinarerekonsidera ng Kamara

Inirekominda ni Sub-Committee on Social Amelioration Co-chairman Lucy Torres-Gomez na palawakin ang target beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP) para sa buwan ng Mayo.

Sa virtual hearing ng Defeat COVID-19 Committee ng Kamara, mula sa 18 million na target lamang ng SAP, umapela si Gomez na gawing 20 million ang target beneficiaries.

Ipinarerekonsidera ni Gomez ang aniya’y “newly poor” na napapabilang sa 9 million low-income families at 6.4 million lower middle-income families.


Giit pa ng lady solon, ang ₱100 billion allocation para sa buwan ng Mayo ay maaring hatiin sa 20 million beneficiaries.

Nangangahulugan lamang ito na magiging uniform na para sa lahat ng beneficiaries ang halaga na makukuha mula sa SAP kung saan magiging ₱5,000 na ang matatanggap ng lahat ng benepisyaryo.

Inirekomenda rin ng mambabatas na simplehan at gawing madali ang proseso sa pagkuha ng ayuda upang mapasama ang lahat ng beneficiaries.

Magugunita na noong Abril, ₱5,000 hanggang ₱8,000 ang natanggap ng SAP beneficiaries depende pa ito sa regional wage rates.

Facebook Comments