Tinalakay sa ikatlong episode ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko!, ng National Nutrition Council ang “Batang Laking 1000” o ang “Republic Act No. 11148 o Kalusugan at Nutrisyon ng Magnanay Act”.
Dito ay ibinahagi ni Atty. Joey Lina, overall Chairperson ng Children’s First 1000 Days Coalition ang kahalagahan kung bakit kinakailangan ng mga bata ng sapat na nutrisyon sa kanilang unang isang libong araw, mula sa pagbubuntis ng nanay hanggang sa tumungtong sila ng dalawang taong gulang.
Ayon kay Atty. Lina, kritikal ang “First 1000 Days of Life” dahil dito nagaganap ang brain development ng isang tao.
Aniya, kung hindi tama at kulang sa nutrisyon ang nanay habang nagbubuntis ay malaki ang magiging epekto nito sa sanggol sa kanyang sinapupunan dahil dito nagaganap ang brain development ng bata.
Posible rin aniya maging sakitin ang bata, maging bansot at maging mahina sa klase.
Babala ni Lina, 50 percent ng productivity sa mga bata ang nawawala at hindi na naibabalik dahil sa malnutrisyon.
Bunsod nito, patuloy na isinusulong NNC katuwang ang Children’s First 1000 Days Coalition ang pagkain ng masustansyang pagkain ng buntis na ina, pag-inom ng mga bitamina at pagpapa- breastfeed kay baby hanggang dalawang taong gulang.
Target ng grupo na maging krusada ang kanilang adhikain at umaasang mababawasan ang malnutrisyon sa bansa sa pamamagitan ng First 1000 Days of Life pagdating ng taong 2033.