Sapat na medical benefits sa mga tauhan ng PCG, isinusulong ng isang senador

Iminungkahi ni Senator Erwin Tulfo ang mas pinalakas na medical benefits para sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa budget deliberation para sa 2026 budget ng PCG, pinapopondohan ni Tulfo ang health insurance at pagbibigay ng health card para sa mga PCG personnel.

Kinwestyon ng senador kung mayroon bang medical benefits o coverages ang mga tauhan ng PCG at tinukoy ang hirap ng sitwasyon ng mga ito, lalo na kapag nasa karagatan at malayo sa pamilya.

Iginiit ni Senator Erwin na ang pagbibigay ng health insurance at health card sa mga tauhan ng PCG ay bilang pagkilala sa kanilang katapangan at sakripisyo para sa bansa, lalo na ang mga nakatalaga sa West Philippine Sea.

Isiniwalat ni Senator JV Ejercito, na siyang sponsor naman ng PCG budget, na kasalukuyang nakaasa ang mga PCG personnel sa PhilHealth dahil kasalukuyan pang hinihintay na matapos ang PCG General Hospital.

Bukod dito, hindi rin pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang Emergency Medical Fund ng PCG sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).

Facebook Comments