Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na may sapat na classroom ang mga paaralan sa National Capital Region (NCR) sa pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021.
Ayon kay Briones, noong unang bugso ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa NCR maraming mga Local Government Unit (LGU) ang nag-request na gagamiting isolation facilities ang ilang school building.
Pero aniya nang dahil sa tinayong malalaking quarantine facilities ng gobyerno, ang ibang LGU sa NCR ay binawi ang kanilang mga request kaugnay sa paggamit ng school buildings bilang local quarantine facility.
Tiniyak naman niya kung sakaling magkaroon ng face-to-face na pagtuturo sa NCR, magiging ligtas itong gamitin para sa mga bata at sa mga guro.
Pahayag din ng kalihim na sisiguraduhin din nila na na-disinfect ang mga classroom o school facility na ginamit ng mga LGU bilang isolation facility sa kanilang COVID-19 patient.
Hindi aniya hahayaan ng DepEd na mailagay sa alanganin ang kalusugan ng mga guro at mga bata.