Sapat na pagkain, pinapatiyak ni Senator Go sa DA

Umaapela si Senator Christopher Bong Go sa Department of Agriculture o DA na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda upang masigurado na may sapat na pagkain para sa bawat pamilyang Pilipino.

Iginiit ni Go, na sa crisis ngayon na dulot ng COVID-19 ay maraming industriya ang naapektuhan ngunit ang supply ng pagkain ay hindi dapat matigil.

Ayon kay Go, dapat pag-ibayunin pa ng DA ang paghikayat sa mga lokal na pamahalaan para bumili ng mga produktong pang-agrikultura mula sa mga magsasaka at kooperatiba para sa kanilang relief operations.


Diin ni Go, dagdag tulong ito sa mga magsasaka at mangingisda para kumita, habang magiging masustansya pa ang relief goods na naipamahagi sa mga Pilipinong nangangailangan.

Binanggit din ni Go ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng Agricultural Training Institute sa iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs) at sa Department of Education (DepEd) para gumawa ng mga modules at klase na nakatuon sa sustainable agriculture.

Iginiit pa ni Go na mas mabilis maibabalik ang sigla ng ating ekonomiya kung palalakasin ang sektor ng agrikultura sa mga probinsya.

Facebook Comments