Sumalang at nakapasa na sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations ang 262-billion pesos na panukalang budget para sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga attached agencies nito sa susunod na taon.
Ayon sa chairman ng komite na si AKO BICOL Party-list Rep. Elizaldy Co, mahalagang mabigyan ng sapat na pondo ang DILG dahil malaki ang papel nito sa pagpapanatili ng peace and order sa bansa.
Dagdag pa ni Co, ang DILG din ang nangunguna sa pagbibigay ng mahusay na local governance, at madalas na pagbibigay ng agarang serbisyo tuwing may kalamidad.
Binanggit ni Co na ang DILG budget ay susuporta sa UNITE agenda na nagtatakda ng mga tinututukan ng ahensya bilang tugon sa makabagong panahon.
Sa budget hearing ay tiniyak naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na prayoridad nila ngayon ang pagsasanay sa mga pulis at pagbibigay ng kailangan nilang kagamitan para mas mapahusay ang paglilingkod sa mamamayang Pilipino.