Sapat na pondo para sa mga “learners with disabilities”, tiniyak na nakapaloob sa 2023 budget

Tiniyak ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian na may sapat na pondong inilaan sa 2023 budget para masuportahan ang mga mag-aaral na may kapansanan.

Tinukoy ng senador na nakapaloob ito sa niratipikahang committee report ng bicameral conference committee.

Kabilang sa kanyang isinulong na kasama sa final bicam report ay ang dagdag na ₱64 million na pondo para sa conversion o pagpapalit ng Special Education (SPED) centers sa Inclusive Learning Resource Centers for Learners with Disabilities (ILRCs) ng Department of Education (DepEd).


Sa ilalim ng ILRC na may ₱160 million na pondo, binibigyang mandato ito na magpatupad ng nararapat na programa at serbisyo sa mga magaaral na may kapansanan tulad ng language at speech therapy, occupational therapy, physical at physiotherapy, probisyon para sa qualified sign language interpreters, at iba pang kaparehong serbisyo na makakatulong sa learning process ng isang estudyante.

Mayroon ding ₱100 million na alokasyon para sa instructional materials para sa mga “learners with disabilities” na parehong nasa formal system at nasa Alternative Learning System (ALS).

Sinabi pa ni Gatchalian na kasabay ng pagtiyak sa pagbibigay ng de kalidad na edukasyon ay patuloy niyang sisiguruhin na hindi mapag-iiwanan sa pondo ang ating mga “learners with disabilities”.

Facebook Comments