Tiniyak ng Department of Health (DOH) na sapat ang suplay ng bakuna sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Vaccination Operation Center (NVOC) Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na sa ngayon ay wala pang balak na bumili ng karagdagang Sputnik V vaccine ang Pilipinas mula sa Russia.
Hindi naman aniya apektado ang vaccine supply ng Pilipinas kasunod ng nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine dahil may nakukuha namang bakuna ang bansa mula sa iba pang mga bansa gaya ng Estados Unidos.
Mayroon lamang aniyang kaunting problema sa bakuna na para sa mga bata dahil sa kakulangan ng produksyon o global shortage.
Pero ani Cabotaje, wala namang problema sa ibang mga bakuna maliban na lang sa maaaring pagtaas ng halaga ng delivery ng mga vaccine dahil sa epekto ng sigalot ng dalawang bansa.
Subalit tiwala ito na hindi magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng bakuna ang Pilipinas basta’t maging maayos lamang ang mga contract agreement.