Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi kukulangin ang suplay ng bigas at karne sa bansa sa panahon ng Kapaskuhan.
Ayon sa ahensya, kayang tugunan ng sektor ng agrikultura ang pangangailangan ng mga Pinoy sa holiday season kung saan karaniwang tumataas ang demand sa mga nasabing produkto.
Sa pagtaya ng National Rice Program, tataas ang lokal na produksyon ng palay kaya’t asahan na ang sapat na suplay ng bigas hanggang sa katapusan ng taon.
Habang batay sa Food Supply, Demand, and Sufficiency Outlook para sa 2022, aabot sa 1.82 million metric tons ang suplay ng manok sa bansa kung saan 1.65 million metric tons dito ay mula sa lokal na produksyon.
Siniguro rin ng DA na gumagawa sila ng paraan para hindi tumaas ang presyo ng mga ito.
Kahapon, kinumpirma ng Department of Trade and Industry na tumaas na ng P5 hanggang P56 ang presyo ng ilang produktong pang-noche buena, tatlong buwan bago mag-Pasko.