
Siniguro ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng karneng baboy sa kabila ng pagpapatupad ng pamahalaan ng temporary ban sa pag-angkat ng baboy mula sa bansang Spain.
Kasunod na rin ito ng African Swine Fever (ASF) outbreak sa naturang bansa.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na walang inaasahang pagtaas ng presyo sa kabila ng import freeze sa buhay na baboy, pork meat, at pork skin.
Ito ay dahil puno ang mga cold storage facility at, base sa inventory levels, nananatiling sapat ang supply ng karneng baboy kahit mataas ang demand nito ngayong holiday season.
Nag-ugat ang import ban sa Spanish pork sa November 28 report ng Spanish veterinary authorities sa World Organization for Animal Health, na nagkukumpirmang mayroon nang mga kaso ng ASF sa mga wild pig sa Sabadell, Vallès Occidental sa Barcelona.
Ang import ban ay ipinatupad upang maiwasang makapasok ang naturang sakit ng baboy at makahawa sa mga alagang baboy sa Pilipinas.









