Sapat na suplay ng kuryente, dapat siguruhin ng DOE sa pagtigil ng operasyon ng Malampaya

Muling kinalampag ni Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian ang mga opisyal sa sektor ng enerhiya sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente pagdating ng buwan ng Oktubre.

Sa nabanggit na buwan ay nakatakdang magsagawa ng 20-araw na maintenance shutdown ang Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project.

Iginiit ni Gatchalian na dapat masiguro ng Department of Energy (DOE) na nasusunod ang Grid Operating and Maintenance Program upang hindi na maulit ang mga insidente ng unplanned at forced outages ng ibang power plants.


Giit ni Gatchalian, hindi dapat hayaan na magkaroon muli ng rotational brownouts ngayon kung saan marami sa mga ospital natin ay hindi na halos makayanan ang dami ng pasyenteng may COVID-19.

Ibinabala rin ni Gatchalian ang pagkasira o pagkapanis ng mga bakunang nakalagak sa mga storage facilities kung mawawalan ng kuryente, bukod sa babalik na rin sa online classes ang mga estudyante.

Diin ni Gatchalian sa DOE, may sapat na panahon pa para paghandaan ito at gawin ang lahat ng paraan upang masiguro ang tuloy-tuloy na daloy ng kuryente sa ating mga tahanan.

Paliwanag ni Gatchalian, maiiwasan ang posibleng pagsipa ng presyo ng kuryente kung maagap nilang masisiguro ang pagkakaroon ng kapalit na suplay.

Facebook Comments