Sapat na suplay ng kuryente para sa 2022 national elections, iimbestigahan ng Senado

Ikinakasa na ni Committee on Energy Chairman Senador Win Gatchalian ang imbestigasyon kung may nakalatag nang mga plano ang Department of Energy (DOE) at stakeholders sa sektor ng enerhiya.

Giit ni Gatchalian, mahalagang ngayon pa lang ay nakalatag na ang mga paghahanda para masiguro na hindi magkakaroon ng brownout at may sapat na suplay ng kuryente pagdating ng halalan sa Mayo 2022.

Ayon kay Gatchalian, hindi isinaalang-alang ng kagawaran sa kanilang power outlook ang pagkakaroon ng forced at unplanned outages ng mga planta ng kuryente at ang humihinang suplay mula sa Malampaya gas field.


Ipinaalala ni Gatchalian na ang mga unplanned outages at pagbabawas ng kapasidad ng mga planta na magsuplay ng kuryente ang sanhi ng rotational brownouts noong summer ng 2019 at nitong taon lang mula Marso hanggang Mayo.

Diin ni Gatchalian, mandato ng DOE na siguraduhing mayroon tayong kuryente sa lahat ng pagkakataon kaya hindi katanggap-tanggap kung ngayon pa lang ay hindi natin mapaghandaan ang sapat na suplay ng kuryente pagdating ng eleksyon na isang mahalagang kaganapan sa kasaysayan ng bansa.

Facebook Comments