Sapat na suplay ng kuryente sa mga health facilities ngayong summer, dapat tiyakin ng NGCP

Pinapatiyak ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na magiging sapat ang suplay ng kuryente sa mga health facility ngayong summer season.

Ayon kay Reyes, nakasalalay ang buhay ng mga pasyente sa maayos na operasyon ng mga ospital at iba pang medical facilities na maaapektuhan kapag nagkaroon ng problema sa suplay ng kuryente.

Kaya diin ni Reyes, dapat siguraduhin ng NGCP ang pagtupad sa mandato at responsibilidad nito na masiguro na palaging may sapat na suplay ng kuryente lalo na ngayong tag-init na mataas ang demand sa kuryente.


Mensahe ito ni Reyes kasunod ng babala ng NGCP na posibleng magkaroon ng power interruptions sa kasagsagan ng summer dahil sa mataas na pangangailangan sa enerhiya.

Kasabay nito ay iginiit din ni Reyes ang malaking papel ng NGCP sa transition ng bansa patungo sa green energy.

Kaugnay nito ay pinabibilisan na ni Reyes sa NGCP ang pag-aaral ukol sa green energy para makapagkasa na ito ng mga proyektong magbibigay ng matatag at murang suplay ng enerhiya sa mamamayan.

Facebook Comments