Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) sa publiko na sapat ang supply ng bigas sa bansa para sa buong taon.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, hindi kakapusin ng bigas ang bansa mula sa papasok ng lean months hanggang sa katapusan ng taon.
Sa taya ng DA, ang supply ng bigas sa bansa hanggang sa katapusan ng Disyembre ay nasa 17.994 million metric tons (MMT), habang ang kabuoang demand naman ay nasa 14.668 MMT.
Ang magiging year-end inventory ay nasa 3.326 MMT.
Sinabi ni Dar, ang imbentaryo ng bigas pagpasok ng Enero 2021 ay magtatagal ng hanggang 94 na araw.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang kabuoang rice demand sa bansa para sa pagkain ay nasa 88% habang ang natitirang 12% ay ginagamit bilang seeds, feeds at iba pa.
Ang isang pinoy ay kumokonsumo ng kabuoang 118.81 kilograms, katumbas ng 325 grams ng milled rice araw-araw.
Sa kabuoang populasyon na nasa 108.66 million Filipinos, ang kabuoang total annual consumption ay aabot sa 12.9 MMT.