Sapat na supply ng booster vaccines, hiniling ng isang kongresista

Kinalampag ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang Inter-Agency Task Force (IATF) na tiyaking may sapat na suplay ng COVID-19 vaccines para sa booster shots ang lahat ng lugar sa bansa.

Ang hirit na ito ng kongresista ay kasunod na rin ng reklamo ng kanyang mga constituents na wala nang naabutang booster shots sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) matapos na makapag-pre-register ang mga ito noong nakaraang linggo.

Apela ni Defensor kina Health Secretary Francisco Duque lll at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na siguraduhing mabibigyan ng sapat na suplay ng COVID-19 booster vaccines hindi lang ang kanilang distrito kundi sa lahat ng siyudad at lalawigan sa buong bansa.


Aniya, mismong ang mga residente na ang nagnanais na mabakunahan ngunit dismayado sila matapos na pauwiin dahil walang suplay ng bakuna.

Mayroon aniyang 209 million doses ng iba’t ibang brand ng bakuna ang dumating sa bansa kung saan 107.3 million dito ay na-administer na habang 48.6 million naman na mga Pilipino ang nakatanggap na ng second at first dose.

Sa bilang na ito aniya ay may matitira pa kaya marapat lamang tiyakin ng IATF na may sapat na suplay ang lahat ng lugar sa bansa lalo’t nauna na ring nagparehistro ang mga tao para magpa-booster.

Pinayuhan naman ng mambabatas ang mga ospital na magkaroon ng mas maayos na sistema para sa pre-registration upang matantya kung ilan lang na bakuna ang magkakasya para maiturok sa mga tao.

Facebook Comments