Aminado ang Department of Health (DOH) na isa sa magiging hamon ng national immunization at ang pagkakaroon ng sapat na supply ng COVID-19 vaccines para sa lahat ng Pilipino.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program ay isa lamang ‘level of difficulty’ dahil ang demand ay mahalaga rin tulad ng supply .
Dagdag pa ni Vergeire, dapat ding masiguro na alam ng tao ang mga magiging epekto at benepisyo kapag sila ay nabakunahan.
Aniya, kapag nakuha ang buong tiwala ng publiko o ng populasyon, makikita ng mga ito ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
Isa rin sa nakikitang hamon ay ang logistics dahil hindi lahat ng lugar sa bansa ay agad na magkakaroon ng access sa bakuna.
Punto rin ni Vergeire, kailangan ding sumailalim sa matinding training ang mga health workers na magsasagawa ng vaccination.
Ang mga mabibigyan ng bakuna ay kailangan ding i-monitor sa mga posibleng epekto nito sa tao.
Nabatid na naglaan ang pamahalaan ng ₱2.5 billion para sa pagbili ng COVID-19 vaccines sa ilalim ng proposed 2021 national budget, pero kulang pa rin ito ng ₱10 billion.