CAUAYAN CITY, ISABELA- Hiniling ni Mt. Province Governor Bonifacio Lacwasan Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte ang suporta at tulong para sa agarang pagtanggal sa mga gumuhong lupa sa mga pangunahing lansangan partikular sa bayan ng Natonin, Mt Province at pamimigay narin ng tulong sa mga lugar na matinding naapektuhan ng Bagyong Rosita.
Ito ang kanyang hiniling sa ginawang briefing sa pagdalaw ng Pangulo dito sa Lalawigan ng Isabela kasama si Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III at PDRRMC ng Isabela at Mt Province.
Hirap kasi aniya ang mga otoridad at residente ng nasabing probinsya sa pagtanggal sa mga natibag na lupa sa mga daan kaya’t mas mainam umano na gumamit na lamang ng airlifting para sa agarang pagtanggal sa mga gumuhong lupa.
Bukod pa rito ay hirap din aniya ang mga otoridad sa paghahatid ng mga relief goods sa mga nasa malalayong lugar kaya’t hiniling rin nito sa Pangulo ang sapat na transportasyon upang maipaabot nila ang mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng Bagyong Rosita.
Ayon naman sa Pangulo ay kanyang aatasan ang pwersa ng Tactical Operations Group 2 (TOG 2) upang tumulong sa mga ahensya sa pamimigay ng mga relief goods at pagsasagawa ng malawakang clearing operations sa naturang probinsya.