Pinamamadali ni Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) ang paglalagay at pagpapatayo ng Water, Sanitation, and Hygiene (WASH) facilities sa mga paaralang wala pang ganitong uri ng mga pasilidad.
Ayon kay Gatchalian, na siyang Chairman ng Senate Committee on Education, dapat itong gawin ng DepEd kahit ipagpapaliban muna ang face-to-face classes sa darating na pasukan.
Paliwanag Gatchalian, mahalaga ang pangmatagalang pamumuhunan para sa sapat at malinis na tubig sa lahat ng mga paaralan, pati mga pasilidad na pangkalusugan at pangkalinisan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang sapat at malinis na tubig, pati WASH facilities ay hindi lamang mahalaga ngayong may COVID-19 pandemic dahil kailangan din ito sa pagsugpo ng iba pang mga sakit.
Noong nakaraang taon, iniulat ng DepEd na kalahati lamang sa mahigit tatlumpu’t limang libong (35,000) paaralang bahagi ng programang WASH in Schools ang may pasilidad na may sabon at tubig.
Kaugnay nito ay iminungkahi ni Gatchalian ang paggamit ng mga local school boards sa “Special Education Fund” ng mga Local Government Units (LGUs) para sa pagpapatayo ng mga handwashing facilities, pagbili ng sabon, alcohol, sanitizers, at iba pang public health supplies tulad ng mga thermometer, face masks at face shields.