Tiniyak ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na walang magiging kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa ngayong buong taon.
Sa briefing sa House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Congressman Mark Enverga ay sinabi ni De Mesa na sapat ang ating ending stock ng bigas na nasa 1.72 million metric tons at tatagal ng 46 days.
Sabi ni De Mesa, nakabantay rin ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng pagtaas sa presyo ng imported rice dahil sa dinaranas na tagtuyot sa China na siyang nangungunang producer ng bigas sa buong mundo.
Binanggit ni De Mesa na posibleng mamakyaw at mag-import ng maraming bigas ang China mula sa mga bansa na pinagkukunan din natin ng imported rice tulad ng Vietnam at India.
Hinggil dito ay iminungkahi naman ni Congresswoman Gerville Luistro ang pagdaraos ng agriculture caravan kung saan makakapagbenta ng kanilang ani ang mga magsasaka.