Ipinipilit umano ng mga dealer ng motorsiklo ang installment-only scheme dahil malaki ang kanilang tubo na umaabot sa 36% kumpara kung babayaran na agad sila ng cash.
Ito ang inihayag ni Senator Richard Gordon sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Blue Ribbon Committee ukol sa implementasyon ng Motorcycle Crime Prevention Law.
Bukod dito ay sinabi rin ni Gordon na may mga dealers na hindi nagbibigay ng authenticated copy ng original receipt at certificate, wala ring ibinibigay na plaka at mayroon namang nagpapapirma ng waiver na pwede agad hatakin ang kanilang motor kapag hindi nakabayad.
Sa hearing ay ipinangako naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na maglalabas ito ng department order o kautusan na magbabawal sa pwersahang installment scheme sa pagbili ng motorsiklo.
Ayon kay Lopez, may karapatan ang buyer na bumili ng motorsiklo sa pamamagitan ng cash at kung hulugan ay hindi dapat sila patawan ng napakalaking tubo.