SAPUL SA CCTV: Mga estudyanteng natawid sa pedestrian lane, inararo ng jeepney

1808
Courtesy Makati PNP

MAKATI CITY – Patay ang isang estudyante at sugatan ang anim pang iba matapos araruhin ng isang pampasaherong jeepney sa may J.P. Rizal Street, Miyerkoles ng gabi.

Sa CCTV video na inilabas ng Makati PNP, makikitang tumatawid sa pedestrian lane ang mga bata habang naka-stop ang traffic light nang biglang sumulpot at umarangkada ang sasakyang minamaneho ni Crizaldy Tamparong.


Iniwasan ng jeepney ang isang nakahintong kotse at sinalubong ang linya ng mga nadisgrasyang mag-aaral.

Nasapul ang mga bata halos nakatawid na sa kabilang parte ng lansangan.

(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)

Sa tindi ng pagkakabangga, tumilapon ang ilang biktima at may pumailalim sa pampublikong sasakyan.

Kinilala ang nasawi na si Jules Villapando, 14, residente ng Barangay Olympia sa naturang siyudad.

Naisugod naman ang ibang biktima sa Makati Medical Center at Ospital ng Makati.

Ayon sa pulisya, pawang mga estudyante ng General Pio del Pilar National High School ang mga batang nasagasaan.

Idinahilan umano ng drayber na nawalan ng preno ang minamanehong jeepney kaya nawalan siya ng kontrol.

Lumitaw din sa imbestigasyon na nadawit sa aksidente si Tamparong noong nakaraang taon, dahilan para kumpiskahin ang kaniyang driver’s license.

Nakakulong ngayon ang suspek at nahaharap sa patong-patong na reklamo.

Facebook Comments