Sara Duterte, Isko Moreno, nangunguna sa mga posibleng iboto 2022 presidential at vice presidential elections – Pulse Asia

Nangunguna si Davao City Mayor Sara Duterte sa listahan ng posibleng iboto sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Batay sa Pulse Asia Survey, lumulutang ang pangalan ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang posibleng top contender sa presidential elections.

Si Mayor Sara Duterte ay nakakuha ng national voters preference na nasa 27-percent.


Malinaw na si Mayor Duterte ang presidential bet ng mga taga-Mindanao (60%), habang sa Visayas ay nakakuha siya ng 21-percent, Luzon (17%), at Metro Manila (12%).

Ang iba pang tinitingnan bilang presidential bets ay si dating Senator Bongbong Marcos Jr. (13%), Senator Grace Poe at Manila Mayor Isko Moreno na kapwa may 12 percent.

Sumusunod si Senator Manny Pacquiao na may 11-percent, Vice President Leni Robredo (7%), Senator Christopher Go (5%), dating Vice President Jejomar Binay (3%), Senator Panfilo Lacson (2%), at Taguig Congressman Alan Peter Cayetano.

Para sa pagka-bise presidente, nangunguna si Manila Mayor Isko Moreno (16%), Senator Manny Pacquiao (15%), at Davao City Mayor Sara Duterte (15%), Senate President Tito Sotto (11%), dating Senator Bongbong Marcos (11%), Senator Christopher Go (9%), Taguig Congressman Alan Peter Cayetano (7%), at Sorsogon Governor Francis Escudero (7%).

Ang survey ay isinagawa mula February 22 hanggang March 3 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 2,400 adult respondents.

Facebook Comments