Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Correction (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang loob ng Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City kung saan ilang mga pakete ng hinihinalang shabu, mga gadget, patalim, libu-libong pera at iba pang kontrabando ang nakumpiska ng mga otoridad.
Nagkasa ng “Oplan Galugad” kaninang pasado alas otso ng umaga ang mga tauhan ng BuCor at BJMP ng naturang kulungan kung saan isa-isang hinalughog ang mga detention cell.
Kabilang sa ininspeksyon ang selda ni Taiwanese Drug Lord na si Yu Yuk Lai, na nakumpiskahan ng aabot sa ₱5 million halaga ng shabu noong 2017.
Sa pagbalik ng search team, nakuha naman sa kanya ang ₱150,000 na halaga ng pera na ayon sa kanya ay pera sa kooperatiba sa kulungan at hindi naman galing sa iligal na droga.
Maliban sa kanya, hinalughog din ang selda ni Pork Barrel Queen Janet Lim Napoles pero wala naman nakuhang kontrabando dito.
Kapansin-pansin naman ang tila pagiging VIP ni Napoles dahil napapalibutan ito ng kanyang mga kapwa preso at nilalayo sa Media.
Ayon kay BuCor Director General Gerald Bantag, pwede naman na magkaroon ng pera ang mga preso sa loob pero limitado lang dapat ang halaga nito.
Kadalasan kasi itong ginagamit bilang pambayad sa mga abugado sa mga presong may kaso.
Inaalam naman ngayon kung paano napuslit ang ibang mga kontrabando.
Pagkatapos ng Galugad, pinababa ang lahat ng preso at nag formation sa ground ng Correctional.