Umapela si Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang pribadong subdivisions o villages na magsagawa ng sariling booster vaccination sa kanilang mga residente.
Ayon kay Castelo, asahan na ang pagdagsa ng mga tao at pagsisikip sa vaccination facilities lalo pa’t iniklian na ang interval ng booster shots mula anim na buwan sa tatlong buwan.
Tinukoy ng kongresista na marami sa mga residente sa subdivisions at villages ang nagnanais magpabakuna ng COVID-19 booster vaccines ngunit takot na pumunta sa vaccination centers.
Kung papayagan aniya ng IATF ang mga homeowners’ association na magsagawa ng sariling pagbabakuna ng booster shots ay makakatulong din ito para maiwasan ang pagdami ng mga tao sa inoculation centers at mapapabilis pa ang pagkamit ng herd immunity laban sa virus.
Nakatitiyak ang lady solon na handa at mas gusto ng mga village associations na sila na ang magbakuna ng booster vaccines sa mga residente lalo’t mayroon din silang mga sariling doktor, nurses at health workers sa kanilang lugar.